[EDITORIAL] Ang ‘enemy from within’ sa West Philippine Sea
Nitong Mayo 10, inudyukan ni National Security Adviser Eduardo Año ang Department of Foreign Affairs (DFA) na patalsikin sa Maynila ang Chinese embassy diplomats na naglabas sa media ng isa umanong recording.
Sabi naman ni Defense Secretary Gibo Teodoro, dapat daw imbesitagahan ng DFA kung nilabag ng embassy officials ng Tsina ang Anti-Wiretapping Act ng Pilipinas.
Ang 12-minute alleged recording ay pag-uusap sa pagitan ni Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos at isang “Chinese diplomat.” Ito raw ang patunay na ang Pilipinas – na umano’y kinatawan ni Carlos – ay pumayag umano sa “new model” ng kalakaran sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Last time we checked, ang tanging involvement ni Carlos sa action-drama na ito ay bilang bossing ng WesCom, at under sa kanya ang mga rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre, ang kinakalawang na barkong nabalahaw sa Ayungin Shoal. At ang siste, naka-personal leave itong si Carlos ngayon.
Bilang mga sibilyan, ang dami nating tanong: Una, bakit nakikipag-usap si Carlos sa mga Tsino? Pangalawa, bakit ang lakas ng loob ng Tsina na ilabas ang umano’y recording kung hindi ito authentic? At bakit naka-leave si Carlos sa panahon ng krisis – gayong siya itong gung-ho na heneral na sumakay pa sa Navy-contracted ships sa ilang resupply missions na na-water cannon? At kailan siya magpapaliwanag sa publiko? Bakit siya pinapayagang magtago ng mga boss niya?
Kitang-kita naman na may sariling smoke-and-mirrors na diskarte ang tag-team nina Año at Teodoro. Pilit nilang dinadala ang usapin sa illegal wiretapping, na, totoo man, ay hindi pinakakrusyal na tanong na dapat masagot.
Ano ba talaga ang ipinangako ni Carlos, at sino ang nagbigay sa kanya ng awtoridad na makipag-usap sa mga Tsino? Totoo bang nangyari ang pag-uusap nang may basbas ng higher-ups katulad nina Año at Teodoro, tulad ng ipinapahiwatig ng mga Chinese? At may isa pa bang kasama sa pag-uusap na sobrang taas sa chain of command pero redacted ang pangalan sa mga dokumento?
Sige, for the sake of argument, we will assume the best of these officials: na hindi nila alam na nakikipag-usap si Carlos sa mga taong ang tanging purpose in life ay tumambay sa WPS at mang-water jet cannon ng mga Pinoy sa sarili nating bakuran.
Hindi ba napakalaking pagtataksil sa chain of command ang nangyari, nang makipag-usap ang isang commander na hindi man lang Cabinet-level na opisyal sa ibang bansang katunggali natin?
Sabi ni Secretary Gibo, “We need to find out who is responsible for this and remove them from the country.”
Tama Sec. Gibo! Pero sino muna sa panig ng Pilipinas ang responsable sa kahihiyang ito? Bakit nakikipag-ututang dila ang heneral ni Año sa “adversary” at sumasang-ayon sa isang kasunduan? Gagawin ba talaga ni Carlos na pumalaot sa mga pag-uusap na way above his pay-grade kung wala siyang basbas?
Anong sanction ang haharapin ni Carlos, at bakit hindi inaabisuhan ang publiko tungkol dito?
Curiouser and curiouser. Kung may isang bagay tayong natutuhan sa pagko-cover sa militar at burukrasya ay ito: nothing is what it seems.
Go ahead, patalsikin ang Chinese officials na nang-wiretap. Pero dapat managot si Carlos at ang opisyal na nag-empower sa kanya.
Maging transparent for once, please? Ito’y para hindi tuluyang malustay ang goodwill na na-achieve sa sakripisyo ng mga sundalo at mangingisda sa pocket war na ito.
’Di ba’t may “transparency initiative” ang gobyerno sa aggression ng mga Tsino laban sa mga Pilipino? Dapat may transparency din kapag may nagkamali at natalisod.
Sa tuwinang mawa-water cannon ang mga sundalo, nagdurugo ang puso nating mga sibilyan. Pero lalong nagdurugo ang puso nating isipin na may anay sa hanay.
Nagdurugo ang puso nating isipin na ganito ka-naive at unsophisticated ang ilang nasa kapangyarihan, na hindi nila na-predict na mawa-wiretap, gagaguhin, at babaliktarin sila ng mga Tsino.
Mga Ginoo sa government security sector, ang laki ng implikasyon nito sa national security – imbes na red-tagging ng mga aktibista ang inaatupag ’nyo, dapat, at the minimum, ay mag-retraining at mag-discharge kayo ng mga reckless na katulad ni Carlos.
Sana naman nag-aaral kayo ng kasaysayan – ang ikinabalahura ng mga kilusang rebolusyon laban sa mga mananakop, maliban sa kulang na armas at maliit na puwersa, ay ang hidwaan sa pagitan ng mga liderato: nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, Antonio Luna at Gregorio del Pilar, Del Pilar at Jose Rizal, to name a few.
Ang disunited front ng naghaharing uri, lalo na sa larangan ng militar, ang lasong mabilis na gumagapo sa anumang pagkilos. At lalo nang krusyal ang united front sa bansang humaharap sa manlulupig – na ngayo’y hindi na Kastila o Amerikano, kundi Tsino – sa panahon ng advanced spy tech at media warfare.
Mga Ginoo, ipaubaya ’nyo na ang diplomasya sa diplomats. Walang lugar para pumapel ang mga ilusyonado at gullible sa kiskisan sa West Philippine Sea. Ipapahamak ’nyo lang ang interes ng bayan. Muntik-muntikan na nga.
Pinakamahirap na kalaban ang kaaway na ’di natin nakikita: ’yan ang enemy from within. – Rappler.com