News in English

[Episodes] Hindi diborsiyo ang banta sa pamilyang Pilipino

Kasinungalingan, pagkukunwari, karahasan, at kawalan ng respeto ang mga tunay na banta sa institusyon ng kasal at ng pamilya

Maraming taon nang pinag-uusapan ang diborsiyo sa Pilipinas, at noong Mayo 22, muling naipasa sa mababang kapulungan ang House Bill 9349 (An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage). May 131 na mambabatas ang sumuporta at 109 naman ang tumanggi. Dalawampu ang nag-abstain. 

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakausad nang ganito ang panukala sa Kamara. Ganito rin ang nangyari noong 2018, pero nanatili sa committee level ang counterpart bill sa Senado noon. Kaya naman sa pagbabalik ng mga sesyon, aabangan ng marami ang aksiyon ng Senado, lalo na at napapailalim ito sa bagong liderato

Noon man at ngayon, emosyonal ang maraming Pilipino tungkol sa diborsiyo. Polarizing ito dahil hindi ito nananatili bilang panukalang batas o polisiya. Pumapasok ito sa ating mga tahanan, at nakakaapekto sa ating mga pamilya. Kinukuwestiyon nito kung ano ang pinaniniwalaan natin, at kung ano ang akala nating mahalaga sa atin. May posibilidad na baguhin nito ang maraming buhay.

Ayon sa panukala, ang absolute divorce ay maihahain bilang isang legal na remedyo ng mga mag-asawang hindi na maiaayos (irreparably broken) ang pagsasama. Nakalatag ang mga tiyak at limitadong basehan o grounds para sa paghihiwalay: ang 10 grounds sa legal separation, anim na grounds para sa annulment, pagkakahiwalay ng limang taon, psychological incapacity, pagpapalit ng kasarian, “irreconcileable differences,” at anumang klase ng pang-aabuso o karahasan.

May mga hakbang para makasigurong last resort na ng mag-asawa ang pagpepetisyon para sa diborsiyo. Itong mga tiyak na basehan at proseso ay naglalayong protektahan ang mga bata mula sa emosyonal na paghihirap dulot ng masalimuot na sitwasyon ng kanilang mga magulang. Nakasaad din sa batas kung ano ang magiging epekto ng diborsiyo sa kustodiya ng mga anak, hatian ng ari-arian, at pagbibigay ng suporta. 


Maliban sa Vatican, sa Pilipinas na lang walang diborsiyo sa buong mundo. Hindi rin naman tamang bulag na gumaya lang tayo sa ibang bansa. Pero maaaring ituro nila tayo sa kung ano ang nakikita nila na hindi natin nakikita. O, malamang, nakikita na natin pero itinatanggi pa. 

Ang karaniwang argumento ng mga ayaw sa panukala ay relihiyon. Anti-faith, anti-family, anti-children daw ang diborsiyo. At kahit sekular dapat ang pamahalaan, ang ating mga batas daw ay dapat sumunod sa religious customs ng nakararami, sabi ng ilan. Dagdag pa, sinabi ng Konstitusyon na ang kasal ay isang “inviolable social institution” na nagsisilbing pundasyon ng pamilya at kailangang protektahan ng estado. Samakatuwid, unconstitutional ang diborsiyo. 

Pero bakit awtomatikong ipinagpapalagay na ang diborsiyo ay makakasira sa pamilya, at ang pagpapakilala nito ay isang kabiguang proteksiyonan ang institusyon ng kasal? Bakit ipinipintang masama ang diborsiyo at pagbabasura ito sa mga halagahang moral na ating kinagisnan? 

Una, ang diborsiyo ay isang option lamang sa marami. 

Kung maayos ang pagsasama ng mag-asawa, mabuti. Sana lahat ng relasyon ay ganyan. 

Kung may problema at pinagsisikapang ayusin dahil tunay nilang mahal ang isa’t isa at ang kanilang pamilya, at lubos silang naniniwala na sagrado ang kasal, mabuti rin. Hindi madali ito at magsilbi sanang inspirasyon sa iba ang kanilang debosyon at pagsisigasig. 

Kung nais tahakin ang landas ng legal separation, dapat igalang rin. Alamin ang mga batayan para rito, pati na ang mga magiging bunga ng ganitong aksiyon. Pinapayagan ito sa batas, ngunit kinikilalang nananatiling mag-asawa ang mag-asawa.

Kung gusto namang ng annulment, dapat ding alamin ang grounds para rito. Maging handa na patunayan ang pagkakaroon ng psychological disorder. Ito ang maaaring maging basehan para ideklarang psychologically incapacitated ang isang tao para gampanan ang mga tungkulin ng buhay may-asawa. Kailangan ding ipakita na ang mga sintomas ng incapacity ay nariyan na bago pa man magdesisyong magpakasal ang dalawa, kahit na naipamalas lamang nang lubusan ang mga ito nang maikasal na. 

Ang problema rito, may mga mag-asawang sa kagustuhang makapagpa-annul ng kanilang kasal ay papayag i-exaggerate ang kanilang mga sintomas para lang maituring na incapacity. Kung kailangan pang mag-imbento ng sintomas, baka matukso rin silang gawin ito para mapagtibay ang kanilang kaso. 

May mga mungkahing ayusin ang mga mekanismo para sa annulment. Tama rin naman, dahil nananatili itong hindi abot-kaya ng karaniwang mamamayan. Mahal ang bayad sa korte, sa abogado, sa psychologist. Mahal ang pamasahe papunta sa korte kung saan ilang beses puwedeng magkaroon ng pagdinig. Ubod ng bagal ang mga patong-patong na proseso. Tuloy, hindi na nakakagulat ang mga kuwento ng “pag-ayos” sa mga hukom para magbigay ng desisyong mabilis at pabor sa nagpetisyon. 

Ano nga ba ang mga shortcut at workaround na ito kung hindi kasinungalingan at pagpapanggap? Hindi ba pambabastos ito sa batas?

Tuloy, dahil sa mga balakid, naghihiwalay na lang ang mag-asawa nang walang proseso, at kalaunan ay maaaring pumasok na rin sa susunod na relasyon. O, nananatiling magkasama sa isang bahay kahit na puro na lang away, o hindi na nagpapansinan o nagpapakialamanan. At least, sa isip marahil nila, “buo” ang tahanan. 

Ngayon, kung maipapasa ang diborsiyo, hindi naman kailangang makipagdiborsiyo. 

Totoo: hindi tamang pilitin ang kahit sino na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban o paniniwala. Hindi natin kakaladkarin sa korte ang sinumang naniniwalang walang dapat maghiwalay sa kanila. Kung hindi naniniwala sa paghihiwalay, simple: huwag maghiwalay. 

Pero totoo rin: hindi tamang pigilan natin ang kahit sino na magpasya para sa kanyang sariling kapakanan, kaligtasan, o kaligayahan. 

Ang diborsiyo ay makatotohanan at magalang na pagkilala na mayroong pagsasamang nagsimula nang maayos pero nagbago sa pagdaan ng panahon; na nag-iiba ang mga tao at nagkakalayo ang kanilang mga loob; na ang pag-ibig ay nag-iiba ng anyo at, kung minsan, kapag hindi inalagaan, ay namamatay. Ganoon talaga. Hindi na tayo mga tinedyer na nag-iilusyong may habambuhay. 

Pero kahit mangyari ang alinman dito, mali rin na itanggi na nangyari ang isang masaya at magandang bagay. Samakatuwid, ang pagsasama ay hindi null and void o walang bisa mula sa umpisa na parang bang walang nangyari. Dahil may nangyari at hindi lahat tungkol dito ay pangit o masama. 

Binibigyan ng diborsiyo ng distinksiyon ang mga bagay na maaaring ayusin at patawarin, at ang mga hindi katanggap-tanggap na kilos at salita, katulad halimbawa ng karahasan o pagtatangka sa buhay. 

Maikli ang buhay. Lahat ay may karapatang sumaya, sumubok, at sumugal muli, at mamuhay nang ligtas at payapa. 

Tunay ngang maraming banta sa institusyon ng kasal at ng pamilya. Nariyan ang kasinungalingan kung pinaniniwala at pinaaasa mo ang iba sa mga bagay na hindi naman totoo. Pagkukunwari kung gusto mong hangaan ka ng iba, ngunit nabubuhay kang taliwas sa iyong ipinapangaral, kung gusto mong makilala bilang pamilyado, respetable, relihiyoso, o moral habang patuloy naman ang iyong kalokohan. Karahasan kung inilalagay mo sa panganib ang pisikal, emosyonal, pinansiyal, at sikolohikal na estado ng taong diumano’y mahal mo. Kawalan ng respeto kung naniniwala kang tanging ikaw ang mas mahalaga, mas marunong, at dapat mamayani sa lahat ng oras. 


Ngayon pa lang, nagbigay na ng pahiwatig ang ilang senador kung ano ang kanilang posisyon sa isyung ito. Dapat naman nating igalang ang paniniwala ng bawat isa sa kanila – sana lang, ito talaga ang dikta ng kanilang konsiyensiya. Pero ano ba ang sarili nilang opinyon at ng kanilang mga nasasakupan? At gaano tayo kasigurado na ang boto nila ay dahil sa kanilang personal na paninimbang at paniniwala, hindi dahil sa kalkulasyomg pampolitikal?

Mahirap isipin na sa edad ng artificial intelligence at makabagong teknolohiya, nililimitahan pa rin ang mga desisyong puwedeng gawin ng iba. Ang totoo, walang sinuman sa atin ang nasa posisyong magdikta ng dapat o di dapat gawin ng iba tungkol sa sarili nilang pagsasama, dahil wala tayong alam sa sitwasyong pinagdaraanan nila. 

Sa huli, babalik tayo sa paggalang sa kasarinlan at ahensiya ng iba. Ang tungkulin ng gobyerno at simbahan ay gumabay sa paggawa ng pinakamabuting desisyon at maglagay ng mga mekanismo para dito – hindi magpilit o magkait ng pagkakataon. – Rappler.com

Si Adelle Chua ay assistant professor ng journalism sa University of the Philippines. Opinion editor at columnist siya sa Manila Standard nang 15 taon bago lumipat sa akademya. Email: adellechua@gmail.com.

Читайте на 123ru.net