News in English

[EDITORIAL] Carlos Yulo – bayani sa panahon ng mapanghusgang social media

Una naming nakilala si Carlos Edriel Yulo noong 2012, nang nag-cover kami ng Palarong Pambansa. 

Ito rin ang taong nagsapubliko ang site ng Rappler. Isang barong-barong na walang running water ang tanging na-afford namin sa Lingayen Pangasinan para sa aming crew.

Sa psychological level, hindi naiiba ang Rappler sa mga atleta ng Palaro. Kapos sa pondo, unknown, pero gutom, at puro puso.

Panoorin ito. Maaaninag na ang isang Caloy na self-aware at sinisingil ang sarili sa mga pagkukulang — hindi pangkaraniwan sa batang 12 years old. Noon pa lang alam na niya ang sakripisyong kailangang pagdaanan upang magtagumpay.

Noong 2012, SEA Games pa lang ang pinangarap ni Caloy, at ni hindi pa niya inimagine na maabot niya ang Olympics.

Pero tulad ng GOAT (greatest of all time) na atletang si Simone Biles na umatras sa Tokyo Olympics, dumanas si Caloy ng matinding panlalait sa social media dahil sa fallout niya sa coach at pamilya. Dumanas din ang kanyang partner na isang YouTube vlogger ng matinding misogynistic na atake sa online.

Noong panahon ng Tokyo Games, nag-struggle si Biles sa kanyang mental health — na may kinalaman sa isang sexual predator na doktor na bumiktima sa napakaraming atletang babae. Sa isang testimonya sa Kongreso ng US, sinabi nina Biles at ng tatlo pang gymnasts paano sila pinabayaan ng sistema — “the system failed them” — nang inireport nila ang sexual abuse.

Sa isang exclusive interview sa Rappler, sinabi ni Caloy na “hindi na narerespeto ang kagustuhan” niya sa “personal life” niya. Ikinuwento rin niya paano siya nagtangkang bumuo ng kompromiso sa kanyang sikat na Japanese trainer — gagawin daw niya lahat ng iuutos ng coach, pero hiniling niya na “outside gymnastics po Coach, ibigay ‘nyo na po sa akin ito.” Hindi pinagbigyan ng coach ang kanyang kahilingan. (PANOORIN. EXCLUSIVE: Despite split, Carlos Yulo grateful to former Japanese coach for fruitful partnership)

Sa harap ng walang katumbas na tagumpay ni Caloy sa Paris — siya ang unang Pilipinong atletang nagkamit ng double gold — alalahanin natin ang kabayanihan ng mga tulad niya na ginugugol halos lahat ng waking hours sa training, at nagtaya ng kinabukasan at katinuan upang magbigay karangalan sa bansa.

Alalahanin natin na sila’y mga taong may karapatang magmahal at lumigaya sa labas ng gym — at wala tayong kahit katiting na pakialam sa personal na mga desisyon nila sa buhay.

Hindi lamang tungkol kay Caloy ang editoryal na ito. Tungkol din ito sa ating mga Pilipinong naging magaspang ang ugali dahil sa social media. Tungkol ito sa mga Pilipinong naging pakialamero at mapanghusga sa mga bagay na wala silang karapatang kumuda — dahil na rin sa social media. 

Ito’y tungkol sa respeto.

Kinakatawan ni Caloy ang tiyaga at sakripisyo. Kinakatawan niya ang pananampalataya sa Diyos — malimit niyang binabanggit sa mga interview ang lakas at gabay na nanggagaling sa “itaas.” Kinakatawan niya ang sampalataya sa sarili sa harap ng paninira. Kinakatawan niya ang resilience. Kinakatawan niya ang tapang na mag-ambisyon at mangarap. 

Makahulugan ang binitawan ni Yulo sa panayam sa Rappler: “I chose my peace of mind…I chose myself.” At habang lumalalim ang pag-intindi niya sa sarili, pinili siya ng tagumpay.

Mabuhay ka, Carlos Yulo! – Rappler.com

Читайте на 123ru.net