News in English

[EDITORIAL] Tumbasan ng pera ang pagpupugay sa mga atleta 

Lagi-lagi na lang, tuwing may mga atleta tayong nakakapag-uwi ng medalya mula sa mga kompetisyon sa ibang bansa, bubuhusan sila ng gantimpala ng gobyerno at mga brand na sumasakay sa publicity. At ang sambayanan, bukod sa magpo-post ng #WeAreProudOfYou (at #SanaAll), mananawagan na taasan ang badyet para sa sports

Lagi-lagi rin, kapag humupa na ang selebrasyon at congratulations, makakalimutan natin ang sinabing suporta na kailangan ng mga atleta at ng kanilang training teams. At babalik ang sambayanan sa business as usual, at sila naman, sa usual nilang pagpupunyagi na mag-isa, kapos sa pera at suporta, hanggang sa muli natin silang maalala dahil sa mga bagong medalya. 

Tigilan na natin ang kaipokritahang ito. Kung tunay tayong nagpupugay sa ating mga atleta — at kung tunay nating nauunawaan ang kahalagahan ng palakasan (’yung sports po, hindi ’yung pananamantala ng koneksiyon sa nasa kapangyarihan) — ilagay natin ang pera kung nasaan ang ating kuda. Opo, kayo ang pinatutungkulan namin, mga nasa gobyerno at pribadong sektor (bonus na lang kung pati pamilya ay nagbibigay ng suporta, kahil moral at emosyonal man lang). 

Simulan natin sa pagpapalaki ng iginugugol ng pamahalaan para sa palakasan (sports nga!). 

Mayroon tayong Philippine Sports Commission (PSC), na may mandatong i-develop at palakasin ang grassroots sports. Grassroots — sports na mas abot-kamay sana ng ordinaryong kabataan. Iyan din ang mga sports na nagsisindi ng pangarap ng mga estudyanteng nagsisimula sa Palarong Pambansa

Alam ’nyo kung magkano ang badyet ng PSC ngayong 2024 — ang taon na naging pinakamahusay ang ating performance sa Olympics? P1.156 bilyon. Ang badyet noong 2023 — kung kailan may siyam na international competition na nakahilera para sa ating mga atleta — mas mababa pa. 

Sa 2025, ang panukalang gugulin para sa PSC ay P725 milyon. Tinabasan pa ang kasalukuyang badyet, samantalang, sabi ng isang kongresista, P2 bilyon na nga ang kailangan para sa isang aspekto lang ng PSC mandate: ang Amateur Sports Development Program. Pero ang nakahain lang na badyet para sa programang ito: P158.2 milyon. Hiyang-hiya ang numero sa pinagsama-samang gantimpala na tinanggap ng apat nating medal winners sa Olympics.

Bahagi ng kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay pumupunta rin sa mga programa ng PSC. Pero kailangan bang nakadepende ang badyet para sa sports sa kung gaano karaming Pilipino ang magsusugal? Panukala ng isang senador, gawing kagawaran ang PSC, hindi isang komisyon lang, para may mas malaki at permanenteng badyet, hindi parang namamalimos. Magandang idea ito, pero hindi kailangang hintayin ang isang Department of Sports para simulan o pagbutihin ang anumang Medium-term Sports Development Plan. 

Hindi lang iyan. May tatlong pasilidad lang ang PSC: ang Rizal Memorial sa Maynila, ang PhilSports Arena sa Pasig, at ang nasa Baguio. May 82 probinsiya at 18 rehiyon sa Pilipinas. Isang dagdag na bubunuin pa ng atleta mula sa ibang lugar ng bansa na dumayo sa mga pasilidad na ito kung gustong makatanggap ng tamang training.  

Hindi rin napapailalim sa PSC ang asosasyon ng iba’t-ibang sports, maging ang Philippine Olympic Committee. Pribadong sektor ang nagpapatakbo sa mga ito. Kanya-kanyang hingi ng donasyon sa mga negosyanteng nagdedesisyon batay sa paborito nilang sports, at hindi ayon sa kung saan tayo mas magaling at mas may tsansang mamayagpag. 

Kaya rin, kung may kakapusan o politikahan o anumang isyu sa mga asosasyong ito, sariling laban ang ginagawa ng mga atleta — mga atletang dapat sana ay hindi namomroblema sa mga ganitong bagay para makatutok lang sa pagsasanay at pagpapakagaling. 

Noong 2023, matapos humakot ng 260 medalya ang Team Philippines sa Southeast Asian Games, inamin ni President Ferdinand Marcos Jr. na “medyo nahihiya” siya sa kakapusan ng suporta ng Pilipinas sa ating mga atleta. Ang gantimpalang ibinibigay sa kanila matapos manalo, “hindi katumbas” ng pagpupunyaging ginagawa at karangalang iniuuwi nila. 

“Karamihan diyan hindi natin natulungan. Talagang kung saan-saan na lang kumukuha ng suporta, nakakahiya. Pero ganun pa rin ang resulta, ang ganda-ganda pa rin ng resulta, ang titibay pa rin. Nakaka-proud pa rin,” dagdag pa niya. 

Kinilala rin ng Pangulo ang lagi na lang nakakaligtaan sa gitna ng papuri para sa mga atleta — ang mga taong kaagapay nila sa kanilang training. Sabi niya: “Alam naman natin, hindi kayo naging champion na nag-iisa. At maraming tumulong para kayo ay maging champion. Maraming nagsakripisyo. Iyon na nga iyong ating mga coach, kung sino ‘yong mga nagpapakain sa inyo, mga magulang ninyo.”

Pangako niya last year: “Kaya’t asahan ninyo na sa administrayon na ito ay gagawin natin ang lahat para masuportahan natin at ipalabas natin ang kagalingan, ang husay ng ating atleta.” 

Pero sa ngayon, ang nagagawa pa lamang ng administrasyon ay ang tumbasan ang cash reward para sa medal winners na itinatakda ng batas. Again, gantimpala iyan matapos manalo; ang kailangan ng mga atleta at ng kanilang training and support teams ay ang suporta habang nagsasanay. 

Alam ba ninyo kung saan maaaring magsimula rin ang mga kabataang gusto namang matuto at gumaling sa pagma-manage at pagbibigay ng training at iba pang support services para sa mga atleta? Sa sports strand ng senior high school program ng K to 12 curriculum natin. 

Pero, sa aspektong ito, sablay na naman tayo. Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, sa 11,087 na senior high schools sa Pilipinas, 204 lang (mga 2%) ang may sports at arts tracks (kahati pa ang arts!). Ibig sabihin, sa bawat 100 SHS, maaaring isa o dalawa lang ang may sports track. 

At ang karamihan sa senior high schools na walang sports tracks, nasa pinaka-populated na mga probinsiya. So saan tayo huhugot ng future fitness trainers, game officials, tournament managers, for example? Sa ibang planeta? 

Kaya pag-usapan na natin ngayon, huwag kalimutan ang epekto ng euphoria mula sa galing na ipinakita ng ating Olympians. ’Wag nating tantanan ang policymakers, ang mga mambabatas, at ang mga politiko at negosyanteng nagsasabing may pagmamahal at malasakit sa sports at kabataan. (Huwag ipagkamali, may local governments, businesses, at corporate foundations na nagpapatayo ng sports centers.) 

Ano ang kailangang batas, patakaran, estruktura, tauhan, pera, at pakikipagtuwang sa pribadong sektor para sa tunay na sports development? Investment ang kailangan, may bisyon at estratehiyang sinusundan, hindi ’yung bahala na si Batman. 

Muli, sa ating mga atleta — at inyong mga coach at support teams — mabuhay kayo! Ilalaban kayo ng kapwa-Pilipino! – Rappler.com

Читайте на 123ru.net