[EDITORIAL] Ang pagbagsak ng huwad na propeta
Lumagapak na sa lupa ang huwad na propeta na si Apollo Quiboloy.
At ang fall of the false prophet — nangyari ito sa kaharian ng Davao kung saan dati’y tila diyos siya. Untouchable siya noong panahon ng kumpare at sanggang-dikit na si Rodrigo Duterte, na hindi lang kunsintidor, kundi kapareho niyang predator ng babae. Nagpatuloy ang ganitong impunity ni Quiboloy maging sa termino ng kasalukuyang mayor na anak ni Duterte. Naniniwala ba kayong hindi alam ni Kumpareng Digong kung nasaan si Quiboloy?
Isa pa itong si Vice President Sara Duterte — may paghingi pa ng tawad sa mga KOJC members. Pero higit diyan, dapat siyang singilin sa pagpapalaganap ng disinformation tungkol sa kinaroroonan ni Quiboloy: Sabi niya, may sapat na oras daw si Quiboloy na tumakas sa Davao City. Dagdag pa ni Inday Sara, “If I could guess where Pastor Quiboloy is, I think he is now in heaven.”
Saan ka naman nakakita ng top Philippine officials na nagkakanlong ng pugante at nagpapalaganap ng panlilinlang upang hindi siya mahuli? Only in the kingdom of Davao.
Eto naman si Senador Bato dela Rosa, may gana pang mag-allege ng human rights violations! Opo, ang arkitekto ng tokhang, nag-i-invoke ng human rights! Walang kang moral authority, Senador Bato!
Sa katunayan, hindi lang si Bato, kundi pati mga kakampi ni Duterte sa Senado ay nagtangkang protektahan siya sa pamamagitan ng isang “Senate investigation.” Sabi pa ni Senador Robinhood Padilla, may utang na loob daw ang mga Pilipino kay Quiboloy at isa raw itong “hero.” Ano kaya ang hinihitit nitong si Padilla?
Kung hindi pa nag-beef up ang pulisya ng puwersa sa Davao, hindi natin alam kung anong pagpoprotekta ang igagawad ng lokal na pamahalaan sa palusot na “people power” ng KOJC.
Babanggitin din natin ang korte na nag-isyu ng TRO na pabor sa KOJC. Buti na lang at sinopla ang huwes ng Court of Appeals na wala itong jurisdiction. Bam!
Sumurender ba o inaresto si Quiboloy? Ang malinaw binigyan siya ng ultimatum ng pulisya. Sa bandang huli, lumabas din sa kanyang lungga. Kahit ‘ata mga daga, lumalabas din ng lungga kapag nasisilaban ang puwet.
Pinuri ni Antonio Montalvan II ang pinuno ng pulisya na si Heneral Nicolas Torre II dahil sa hindi ito bumigay sa harap ng pressure. 360-degree turnaround daw ito sa lumang Davao police force na hawak sa leeg ni Quiboloy. Pero, bida man ngayon ang pulis, sana’y ilahad din nila ang detalye ng negosasyon sa pagitan ng panig ni Quiboly at PNP/AFP sa ngalan ng transparency.
Madalas nang katatawanan ang law enforcement sa bayan natin — mula kay Alice Guo hanggang kay Quiboloy — nag-iiba lang ang cast of characters. Hindi ba’t pruweba ito na kapag ligal, nasa katwiran, at pinamunuan ng isang competent na kumander, kayang magtagumpay ng pulis?
Pero ang pinakamalaking eye-opener, sa bandang huli, walang nagawa ang mga Duterte at bigo ang mga tangkang bigyang proteksiyon si Quiboloy sa harap ng political will ng mga nasa poder.
Indikasyon ba ito na sumisikip na ang mundo ng mga Duterte? Wala nga bang nagawa ang kapangyarihan ni Digong? Siguro, kahit na sa isang Duterte, bilog ang mundo. Hindi infallible ang mga Duterte.
Sa bandang huli, justice was served. Ito ang kamay ng hustisya.
Sa pagbabalik-tanaw, huwag nating kalimutan ang mga biktima ni Quiboloy at ng KOJC. Huwag tayong padala sa drama ng KOJC at ni VP Sara: ito’y tungkol sa mga umano’y krimen ni Quiboloy at ng KOJC.
Tandaan, siya ang self-proclaimed “anak ng Diyos” na ayon sa affidavit ng mga biktima sa US courts ay nang-rape ng kanyang “spiritual wives” habang sila’y gumagampan ng “night duty.” (BASAHIN. Quiboloy sexually abused women, minors – ex-followers, US prosecutors)
Tandaan, ang simbahan ni Quibloy ang mala-kultong grupong nagdedeploy ng mga miyembro sa lansangan sa “bogus charity work.”
Tandaan, ginatasan ng simbahan na ito ang sariling mga miyembrong nabaon sa utang para lang makapagbigay ng “love offerings” sa simbahan. (BASAHIN. ‘Root of all evil’: Quiboloy church’s demands for money mire followers in debt)
Kinasuhan si Quiboloy ng sexual abuse, child abuse, at qualified trafficking. Ang trafficking ay isang non-bailable offense dahil isa itong krimen na sumasalaula sa pinaka-batayang karapatan natin bilang tao.
Huwag nating kalimutan ang mga biktima — silang ninakawan ng kinabukasan — “stolen lives, lost identities.” – Rappler.com